Alamin ang iyong mga Karapatan sa Pag-Protesta

Ang impormasyon sa page na ito ay galing sa Paralegal Bust Cards na gawa ng Karapatan.org.
Idownload ang high-res version dito (may English at Bisaya version din!) at isave sa smartphone.

Kung naaresto at/o naimbitahan para imbestigahan:

TANDAAN NA: Ikaw ay may karapatan na tumawag o makipag-usap sa iyong mga kamag-anak, abogado, o sa kahit anong human rights organization. Igiit sa mga humuli sa iyo na payagan kang makausap sila.

May Karapatan Kang

  • Ipaalam sa iyo ang iyong karapatan na manahimik at magkaroon ng abogado na sariling pili.
  • Tumanggi na sagutin ang anumang tanong.
  • Payagan na kumonsulta sa iyong abogado sa anumang oras.
  • Matulungan ng abogado kung may imbestigasyon o anumang itinatakbo ng kaso.
  • Mabisita o makipanayam sa kahit na sinong kapamilya, doctor, pari o ministro na iyong pinili (o pinili ng pamilya o abogado), anumang human rights organization, o ng anumang international non-governmental organization.

Maaari kang tumanggi

  • Na magbigay o pumirma ng anumang dokumento nang walang tulong mula sa iyong abogado.
  • Na sagutin ang anumang tanong nang walang tulong mula sa iyong abogado.
  • Sa abogadong ibibigay ng pulis o military.
  • Na makuhanan ng litrato.
  • Na makuhanan ng fingerprint.
  • Sa kahit anong bagay na maaaring makapagpahamak sa iyo, gaya ng physical examination.

Rules of Thumb

Dapat agad maiharap sa piskal para sa inquest ang inaresto nang walang warrant. Ang inquest ay hindi na maaaring isagawa lagpas ng mga sumusunod na panahon:

  • 12 ORAS (Light offenses): yaong may kaparusahan ng di lalagpas sa 1 buwan na pagkabilanggo (hal. bandalismo, malicious mischief, theft)
  • 18 ORAS (Less grave offenses) yaong may kaparusahan ng di lalagpas sa 6 na taon na pagkabilanggo (hal. illegal assembly, direct assault)
  • 36 ORAS (Grave offenses) yaong may kapurasahang lagpas sa 6 na taon na pagkabilanggo (hal. sedisyon, rebelyon, murder);

Kung hindi, ang detensyon ay nagiging ilegal at ang naaresto ay kailangang pakawalan.

Tandaan

  • Maging kalmado.
  • Maging mapagmasid at ibigay ang kumpleto at tiyak na detalye ng insidente.
  • Igiit ang karapatan.
  • Igiit na makatawag sa kamag-anak, abogado o human rights group tungkol sa:
    • iyong lokasyon
    • ilan pa ang kasamang nahuli Anupamang impormasyon na maaaring makatulong para sa tinawagan
    • at mga kagyat na pangangailangan
  • TANUNGIN ang pangalan, rangko at posisyon ng umaresto sa iyo/inyo.

Pumunta sa aming Legal Assistance Directory page para sa listahan ng mga abogado at mga organisasyon na pwedeng tawagan o i-contact kung kailangan ng legal assistance.